top of page

Boto ng Isa, Kinabukasan ng Masa

  • Writer: Vince Rogell Ilagan
    Vince Rogell Ilagan
  • Sep 29, 2021
  • 2 min read

Updated: Nov 1, 2021




Noong una, akala ko na ang nag-iisa kong boto ay walang kabuluhan. Inisip ko kung aanhin naman ng taong bayan ang boto ng isang indibidwal lalo na at hindi naman nila ito kilala. Sa dinami-daming tao sa Pilipinas, hindi ko naman siguro kailangan pang bumoto dahil matatabunan lang din ito ng boto ng iba. Bukod dito, ako rin ay nawawalan na ng pag-asa na may mararating pa ang ating bansa dahil taon-taon na lang ay binoboto natin ang mga maling tao na inuuna ang kanilang sariling interes bago ang mga Pilipinong ipinagkatiwala ang kanilang buhay, kanilang tahanan, at ang bansang Pilipinas sa kanila.


Kinalaunan napagtanto ko na ako ay nagkamali ng iniisip dahil dapat nating maunawaan na may halaga ang boto ng bawat isa .Ang ating boto ay representasyon ng ating paniniwala at pagmamahal sa bayan. Ito ay ang nagsisilbing kontribusyon para sa kinabukasan ng ating bansa sapagkat kailangan natin ng mga lider na pipiliin ang kapakanan ng iba bago ang sarili. Kailangan din natin ng lider na naiintindihan ang mga pangangailangan ng masa para sa kinabukasan ng lahat. Maliban dito, kailangan din nating pumili ng mga opisyales at mga tauhan sa gobyerno na ipapanatili ang integridad at kalidad ng ating bansa sa kasalukuyan upang may maipagmamalaki ang mga susunod na henerasyon.


Hindi tayo dapat mawalan ng tiwala sa ating mga kababayan dahil kailangan magsama-sama sa panahong ito. Mayroon pang pag-asang maiahon ang ating bansa hangga’t hindi tayo sumusuko sa laban na ito. Ang laban nila ay hindi lamang pansarili kung hindi para sa kinabukasan at ikabubuti ng lahat. Dapat natin sulitin ang nalalabing oras sa pagpaparehistro sa COMELEC at sauriing maigi ang mga impormasyon tungkol sa ating mga kandidato upang magkaroon tayo ng isang konkreto at pinakamabuting desisyon para sa lahat at para na rin sa ikauunlad ng ating Inang bayan.


prime (1).png

Prime Magazine - Ateneo de Cebu

Copyright 2019 - 2023. All rights reserved.

'23 Series Build 18.07. Stable.

  • Facebook
  • Instagram
bottom of page