Sampung Handog , Sampung Payo
- Lark Wong
- Dec 10, 2021
- 1 min read
Updated: Dec 12, 2021
Bumubulong ang hangin ng malamig na galak
Sa makulay na kutitap ng paligid, ngiti ay tiyak
Karamiha’y marami, sama-samang dumadama
Ako’y isa sa gilid, namamangha
Sa lupaing puno ng karimlan at dalusdos
Tinaob ng matatapang na puso ang lahat ng unos
Walang pagitan ngayon, lahat ay nagkabuo
Sa pagsamba sa Kanya gamit ang mga sampung payo
Nag-iisang Ama, pinapalantaya’t minamahal
Lahat nakatuon sa Kanyang kapangyarihang banal
Ala-bulak sa lambot pangalan Niya’y ibigkas
Pananalig lamang pinapanatiling matigas
Katahimika’y sigurado sa araw na ika-pito
Nakatiklop ang tuhod sa harap ng mga Santo
Nilalaan sa ilaw at haligi ang habang-buhay na respeto
Hindi pinsala kundi kahabagan para sa iba ang regalo
Katapatan sa katipan ay hindi parang salamin
Na sauna’y nahumaling, tapos babasagin
Itikom ang daliri, huwag ulingan ang kamay
Datapwa’t siguraduhing ika’y mapagbigay
Huwag maglubid ng hangin upang magkabenepisyo
Ang dila’y ipinagkaloob para sa isa’t-isa’y magpayo
Pag-aari nati’y sapat, huwag magpadaig sa tukso
Pagdiriwang para sa Kanya, gayon sundin ang lahat ng ito
Hindi nakikita sa mapanuring mata
Na hindi ako nag-iisa, Siya ay palaging kasama
Kaya’t ‘di patuloy na maghahandog, ‘di hanggang sa Pasko
Sampung payo ni Itay, magpakailanmang isinasapuso